Da Parabol op Layp (Ano DAW?!)

Ayon kay Ginoong Webster, ang parable daw ay maaaring isang istoryang may mabuting aral na inihahatid sa mga mambabasa. Hindi ko alam ngunit wala atang kaangkupan para sa isang tao na magsulat pa ng isang PARABLE. Oo parabula, korny siguro para sa iba... pero isang kwento na may ‘mabuting aral’, mas korny pa siguro sa pinaghalong mais at yelo. Di ko alam kung ganoon nga ang konsepsyon ng mga nilalang na isinilang dito pa sa tinatawag na “PERLAS” ng silangan. Pero kung titignan natin ang Pilipinas, “perlas” nga ba sa paningin ng madlang people? Perlas nga bang maituturing ang isang lugar na puros kahirapan, kaguluhan, bangayan, at salpukan? Perlas nga bang masasabi ang isang lupain na umaalingasaw sa baho, nag-aamok sa usok, at nanghahalina sa dumi at basura? Perlas nga ba ang isang ‘yamang’ wala nang kinang, kinis, at halaga? Kung magiging maninisid lamang ako sa dagat, mas gugustuhin ko pang magbenta na lang ng ‘bato’. Sigurado makakabenta pa ako ng mas marami at malaki mula sa mga kabataang gustong humanap ng panandaliang ligaya, Heaven nga! Kaysa naman makakuha nga ng isang perlas kung katulad naman ng Pilipinas… huwag na lang kung nagdedepreciate lang rin ang value!

Mahirap isipin na sa buhay natin ngayon ay wala nang taong magkukusang gumawa ng kanyang sariling PARABULA o hanapin man lang ang tunay na PERLAS ng kanyang lipunan kung sa bawat pagmulat ng kanyang mga mata’y matutunghayan lang ang iba’t-ibang uri ng MALAS, at maririnig lang ang sari-saring kwentong PABULA. Nawa’y magising na sana tayo sa bangungot na ito. Totoo, bangungot nga na magpapahimlay sa atin sa tuluyang pagkalubog. Sama-sama lahat lulubog, mapalalaki ka man o babae, bakla, tomboy. Mahirap man o mayaman. Konyo o feeling. May ngipin o wala. MakaGMA o FPJ. Muslim o Binyagan. Maepal o taong walang pakialam sa buhay ng iba. Lahat...lahat ng may dugong Homosapiens sa arkipelagong ito. Kakainin ng buwakaw na bunganga ng atin ring mismong kasalanan. Kung ganoon nga ang mangyayari lahat mapapasigaw, mapapasigaw nang “Sobra na, tama na!” Ganyan kung bumugso ang damdamin ng mga tunay na Pinoy. Exaggerated masyado pero kung tutuusin hindi mo yan maaalis sa atin mula noon pang unang tala ng ating kasaysayan. “Sugod mga kapatid!” “Punitin ang Celuda!” at “Maghimagsik!” Mga katagang matamis na namumutawi sa kanilang mga labi… kahit ba mapunit na ang mga litid nila sa leeg basta maipadama lang ang silakbo ng kanilang nagsusumamong damdamin… Pero ngayon, hanep! ganoon pa rin ang energy. Ika nga nila: ganito kami noon, ganito pa rin kami ngayon. Pure energy ala Gary V. May ‘choreography’ pa yan sa pagsigaw… kahit magsiksikan pa sila sa kalye…kahit magkaamuyan pa ng sari-sariling kili-kile… Bayaran ka ba naman ng ilang piso para ipagsigawan sa lahat na “Oust GMA!”… Oo yan ang tanging sikat na sigaw ng mga taong gustong pababain ang Pangulo. Kung hindi naman iyon… “Bangon FPJ!” na lang raw… posible ba yun pababangunin ang patay? Haha… sadyang iba talaga ang panahon ngayon. Marami nang pwedeng gawin… wiretapping, corrupting, kotongin, juetengin at marami pang iba. Hindi ko ulit alam kung dala lang yun ng mga makabagong ‘mirakulo’(daw?) ng teknolohiya o sadyang nagiging maligalig lang ang isipan ng mga kasalukuyang unggoy(raw?) ng milenyong 2000.

Pero kung isasapuso natin talaga, yung didibdibin mo nang sobrang pagkadibdib, yung tipong lalabas na sa kaibuturan ng puso mo………………………………………………. Isa ka bang UNGGOY? Tama, isang unggoy… Bakit??? kasi ayon daw mismo sa kontrobersyal na pagsasaliksik ni Charles Darwin, ang TAO raw ay mula sa mga unggoy. At kung paghahambingin ang tao sa unggoy…………………………………………………………………………………………………………………. ………………………………………………………………. Wala akong masabi…………………………………. ………………………………………………………………. Talaga………………….................. Pero ang totoo niyan, may mga pagkakataong sana unggoy na lang tayo...totoo. At least sila, nagkukutuhan kahit hindi magkakilala, nagbabahagian ng saging kahit ngayon lang nagkita, at higit sa lahat.... nagmamahalan kahit sila’y hamak na mga ‘unggoy’ lamang. Tayo... may higit ngang antas ng pag-iisip, may diretsong postura, hindi lang ‘saging’ ang kinakain, nakakapagsalita, nakakapagtext, nakakagawa ng iba’t ibang bagay… pero bakit hindi pa rin tayo makuntento kung ano ang ipinagkaloob sa atin, bakit hindi pa natin makayang pag-ibayuhing payabungin ang ating buhay nang sama-sama, tulong-tulong, at nagmamahalan? Siguro nga ang kulang sa atin ay BATO,... bato hindi upang ipambato sa iba o para gamitin sa pot session... kundi batong magsisilbing pundasyon ng ating gumuguhong buhay.... Huwag na nating hintaying katukin pa tayo ng DIYOS para magising lamang sa isang mahaba at ‘tulo-laway’ na pagtulog. Huwag na nating abangan ang pagpitik ng kanyang mga daliri sa ating malulutong na tainga para marinig lamang kung ano ang pilit na sinasambit ng naghihingalong lipunan na ito. Kumilos tayo. Gumawa. Bumangon. Gamitin ang mga nilikha sa mabuti. Simulan natin sa ating mga sarili. Igalang mo ang iyong sarili para igalang ka rin ng iba. Ang bawat isa’y tahanan ng Banal na Espiritu. Tapos sa ating mga pamilya, dahil ang pamilya ang unang humuhubog sa ating pagkatao. Sa ating mga komunidad, paaralan, at iba pang mahahalagang institusyon ng ating lipunan. Tulungan lalo na ang SIMBAHAN. We are the Church. (English yan!) And it is our prime duty to build it. Yan at sobrang dami pang iba…

Maikli lang naman ang gustong sabihin ng AMA sa kanyang mga ANAK. At yun ay maging mabuting mga anak at maging instrumento para sa iba. Simple lang… kung nakakapagbigay ka ng panahon para mapanood ang DARNA, o maglaro ng DOTA. Anupa kaya’t gumawa ng isang munti at mabuting bagay kung makekredit naman sa langit. Hindi natin kailangang lumulon pa ng BATO, maging superhero, at lumipad. Isang simpleng pagtugon lang at pagsaklolo sa mga nangangailangan ay sapat na upang ikaw ay hirangin hindi lang isang HERO, kundi isa ring alagad ng Maykapal. Tunay na alagad ng Maykapal na bubuo sa bitak-bitak na pader ng ating sanlibutan. Ngunit sadyang mahirap lunukin ang katotohanan na marami sa atin ay tuluyan nang gumuguho ang pananampalataya sa Maykapal at kung hindi naman gumuguho, wala na..... Hindi hinihiling ng ating Ama na ibigay natin ang lahat sa kanya... kahit gabutil pa ng bigas ang ating natitirang paniniwala sa Kanya. Tatanggapin at patuloy Niya tayong patutuluyin sa kanyang kaharian. Ilang beses man tayong maging PRODIGAL SON, maging mga LIGAW na DAMO sa parang, maging BULAG at KETONGIN… lahat ng ito’y balewala kung tayo’y dudulog at muling babalik sa Kanyang pagmamahal… Pagmamahal na hindi kailanman mapapalitan ng anumang kayamanan at materyal na bagay. Kaya tol, hindi ka ulol(oops censored!) upang talikuran ang Panginoon. Ibig sabihin: Hindi ka Utu-uto sa temptasyon ng demonyo, lalong hindi Lulon sa mga pinaghahasik niya; hindi rin Open sa kung anumang di kanais-nais na bagay at hindi din Lugmok sa mga kamunduhan sa mundo. Sa ibang pananalita, U.L.O.L nga… Kawangis natin ang Ama at bilang kawangis Niya, huwag na tayong magpamatsing-matsing pa (hindi tayo UNGGOY!), huwag na tayong maging U.L.O.L pa (abbreviated yan ha) lalong maging huwad na maninisid ng PERLAS o manunulat na walang kamay sa pagsulat ng sariling PARABULA. Oo tayo’y mga manunulat… sabi nga ni Kris, ‘Korek!’ Manunulat tayo ng ating kanya-kanyang buhay, at kahit pa nasasadlak tayo sa putikan, nadudungisan ang pagkatao, at halos hindi makahinga sa maalipusta at hindi makatarungang daigdig na ito... may PAG-ASA pa rin... pag-asang kakalag sa mga kadenang pumipihit sa ating mga KAMAY... at higit sa lahat…… nandiyan ang Diyos bumubulong, namimitik, kumakatok. Kaya ikaw, kaibigan,(oo ikaw nga) GAME KA NA BA?......................teka lang, kailangan pa ba nating sagutin yan….hindi na no! Dahil bawat oras na pamamalagi natin dito, dapat unti-unti na rin nating sinusulat ang PARABULAng iaalay natin sa Kanya ngayon, bukas, at MAGPAKAILANMAN………………………………………………………………………. FIN.

he